Sunday, May 17, 2009

MABUTING MAGULANG...SA MATA NG DIYOS

May 10, Linggo...Araw ng mga Ina..

Maaga pa lamang ay binati na ako ng aking anak at ng kaniyang Ama.
Ang aking cellphone ay walang humpay sa kakatunog sa bawat mensaheng pumapasok dito.
Madalas, ito ay mga pagbati na mula rin sa mga dakilang Ina.
Nanghihinayang man sa aking load, ay minabuti ko na ring batiin sila ng "Happy Mother's Day!"
makadagdag man lang sa mga taong magpapasaya sa araw nila.
Matapos ang almusal, agad kaming nagtungo ng Simbahan upang magnilay para sa araw ng Linggo na Araw rin ng mga Ina.
Nakakatuwa si Padre...matapos nyang batiin ang mga Ina, ay agad siyang naghomily...

"MGA MAGULANG, MAGING MABUTI KAYONG MAGULANG SA MATA NG DIYOS AT HINDI SA MATA NG INYONG MGA ANAK..."

Hanudaw??? Nagkamali ba ako ng pandinig???
Ngunit muling inulit ni Padre ang mga naunang tinuran at tama nga ako sa aking narinig...
kasabay nito ay ipinaliwanag ni Padre ang kanyang sinabi...
Kaya naman ako naguluhan kasi ngayon ko lang narinig ang mga salitang yon.
Madalas kong naririnig e kung paanong maging mabuting magulang sa mga anak...
o paanong magsakripisyo ang mga magulang para sa mga anak...
pero ang maging mabuting magulang sa mata ng diyos at HINDI sa mata ng mga anak...yun, 1st time ko lang talaga narinig!

But then, may point nga namen si Padre...

Aanhin nating mga magulang ang pagsasakripisyo para sa mga anak natin kung hindi naman natin sila maturuan ng kabutihang asal, kababaang loob at kung ano pang mga kabutihan na gaya ng ipinapahayag sa Holy Bible.

Kapag daw tayong mga magulang ay ibinibigay ang lahat ng hilig at hiling ng ating mga anak...hindi iyon nangangahulugang isa na tayong mabuting magulang...
Dahil kapag hindi na natin kayang ibigay sa kanila ang nakasanayan nila...tayo na ang lalabas na pinakamasamang magulang.
Kapag inaayunan natin ang mga anak sa lahat ng bagay upang paglaon ay di na nila alam kung alin ang tama sa mali, alin ang dapat sa hindi dapat...at dumating ang sukdulang nais na nating bigyan ng disiplina ang mga anak...that would already be way too late na. Dahil sa pagkakataong yun, iisipin na ng mga anak natin na tayo na ang pinakamasamang magulang dahil hindi na tayo umaayon sa lahat ng kagustuhan nila.

Kaya't marapat na isipin natin kung paano ba talaga maging mabuting magulang para sa karangalan ng Diyos?
Ang tamang pagdidisiplina sa anak hanggat ito ay musmos pa lamang ay nararapat nating gawin... siguro nga makakaramdam sila ng pagkainis sa magulang nila...
Pero kapag sila ay nasa tamang edad na at isip, malalaman nilang tunay ngang pinagkaabalahan ng kanilang ama't ina ang pagpapalaki sa kanila...

No comments: